Ako ang dakilang tagapagmasid
Sumusubaybay sa pagsibol
Ng pawis sa iyong braso, konsensya sa iyong ulo,
Barya sa inyong bulsa, dahil nililimos ang kita.
Isipin niyong ang ulap ang aking mga mata
At dito ang simula ng pagmamasid
At ang ulan ang aking mga luha
Tuwing ang inyong pagdarahop ay aking nababatid
(Ganito, ganito ang lahat ng pakikiramay.
Hindi ko alam ang pakiramdam ng makasuhan,
Kumain ng panis na isda, iwan ng mahal, pero
Sasamahan, sasamahan — kita.)
Sa akin ang kulog
Sa akin ang kidlat
Ang kulog ay para ipaalala na may likas na liwanag kahit tagdilim
O kung abo ang lahat: ang ulap, ang langit, ang pananaw
Wag masindak: alalahanin ang bukang-liwayway, ang dapit-hapon,
Ang pagpapalit ng panahon.
Ang kidlat ay paalala na ‘wag tutulala
Hinahakbang, tinatalunton, ginagapang ang lahat papuntang katapusan
Tandaan ang garalgal na tunog
Hindi isang kumikinang na opera o konsyerto ang buhay
Isiping ang hangin ang aking kamay
Dumadampi upang ipaalala ito – ito ang meron tayo: buhay.
At iyong mga takot, iyong mga mapanglaw, iyong nagluluksa nang lubusan kahit tapos na ang ulan –
Sila ang nararatay.
